Nakarating si Rizal sa Dapitan noong ika-labinlima ng Hulyo taong 1892 at ipinagkaloob sa isang komandante ng hukbong Espanyol sa lugar na si Don Ricardo Carnicero y Sanchez. Ipinagbilin sya dito at ito ay nasusulat sa liham na kalakip ang mga utos at kondisyon kung saan sya maninirahan.
Mula sa gantimpala na natanggap ni Rizal mula sa kanilang ticket na may bilang 9736, ang kanyang bahagi na halagang P6,200 - P2,000 rito ay ibinahagi nya sa kanyang ama, P200 ay para kay Jose Ma. Basa sa Hongkong at and natira ay ipinambili nya ng lupain sa Talisay na isang kilometro lamang ang layo sa bayan ng Dapitan.
Nagpatayo sya ng tatlong bahay - ang isa ay kanyang panuluyan, ang isa ay para sa pangkabuhayan at ang isa naman ay para sa kanyang mag-aaral. Malaking panahon ni Rizal ang kanyang ginugol sa pagtuturo sa mga kabataan.
Nakagawa rin sya ng sistema ng irigasyon na kanyang ginamit sa kanyang pananim at naglaon ay napakinabangan rin ng mga mamamayan. Malaking bahagi ng buhay nya ay iginugol bilang magsasaka, halos umabot ng 70 hektarya ang lupang kanyang tanimang pag-aari. Ginamit din ni Rizal ang modernong pagsasaka sa pamamagitan ng pag-aangkat sa Estados Unidos ng mga makabagong makinarya. Bahagi ng kita ni Rizal ay ginamit nya rin upang bigyang liwanag ang lugar na kanyang pinamalagian.
Nag-aral rin sya ng iba’t ibang lokal na wika tulad ng wikang Bisaya, Subuanin, at Malayo. Nakapag-ipon siya ng 346 na uri ng mga kabibi at natagpuan niya ang species ng Draco rizali, Apogonia rizali at Rhacophorus rizali.
Hindi rin makakaila ang angking husay ni Pepe sapagkat nalilok nya ang Paghihiganti ng Ina, ang ulo ni Padre Guericco, at estatwa ng isang babaeng taga-Dapitan. Naging malikhain si Rizal sapagkat nalikha nya ang “sulpukan”, isang pagsindi ng sigarilyo na gawa sa kahoy at makina sa paggawa ng bricks.
Sa angking husay at katalinuhan, ang apat na taon na pamamalagi nya sa Dapitan ay naging produktibo. Siya ay naging magsasaka, guro, imbentor at higit sa lahat ay manggagamot. Sa kanyang propesyon bilang doktor sa mata ay nakilala nya ang babaeng kanyang kalaunay inibig na si Josephine Bracken.
Namuhay sya ng simple at pangkaraniwan ngunit ang kanyang impluwensya at mga gawa ay hindi matatawaran.